Photo by Ali Yasar isgoren

Takip-Silim

Ang paghihiwalay ng liwanag at dilim

Ecclaire
2 min readFeb 28, 2021

--

Kumakaway ang haring araw na tila ba kaibigang napilitang pauwiin ng ina sa kanilang tahanan matapos makipag-ulayawan at halakhakan.

Unti-unti nawawala ang kanyang liwanag, kasabay ay pagpalit ng kulay ng kapaligiran. Kahel, pula, kung minsa’y indigo, madilim na asul, hanggang sa mabalot ng itim.

Takip-silim. Takip-silim. Takip. Silim.

Takip-silim kung tawagin, pangungulila kung ipahiwatig.

Sa oras na magpaalam panandali ang araw, nagpapaalam na rin mga halakhak na pilit na itinatawa mula sa pusong nagpapanggap.

Sa oras na magpaalam panandali ang araw, nabubungkal muli mga nakaraang pilit ibinaon sa pagkaligalig sa iba’t ibang kabalisahan.

Sa oras na magpaalam pandali ang araw, hindi na mapigil ang pagbukas ng dike ng hinagpis na maghapon tinapalan ng pagtanggi at mga salitang, “Okay lang.”

Sa oras na magpaalam panandali ang araw, namamaalam na rin maging mga maskarang itinapal ng magagarbong make-up at magagarang damit.

“Eto nanaman, hubad nanaman sa katotohanan. Kailan ka ba, matatauhan?”

Maraming gabi rin ang halos hindi nakayanan. Nakailang sigaw ng “Ayoko na”.

Sa haba ng gabi’y inakala kong wala ng katapusan. Ngunit dito ko rin natuklasan, ang pahirap ay maaari palang mawakasan.

Sa haba ng gabi ko natutunan, ang umasang sana’y dumating na ang pagsikat ng araw na inaabangan. Hindi upang manatili sa kahibangan, ngunit upang harapin ang matagal na kinatatakutang katotohanan.

Sa haba ng gabi ko natuklasan, walang masama sa pagiging totoo sa kahinaan. Marapat lang malaman, pag-inaman.

Sa haba ng gabi ko naintindihan, bawat luha na pilit itinatanggi at kinukubli, dapat pala lahat ng ito’y pakawalan. Kung kinakalainga’y sumigaw, pumalahaw. Upang ang dike ng hinagpis ay manatiling bukas at maubos ang laman ng tuluyan.

Sa haba ng gabi ko natagpuan, ang pag-asang kay tagal ko hinanap. Tunay na pag-asang higit pa sa kaya kong matanggap.

Mula ng akin itong matuklasa’y nakakita na ako ng kaunting liwanag, sinyales na malapit ng magbukang-liwayway.

Sabi nila’y hanapin ko raw ang silangan, doo’y masisilayan ang liwanag ng Haring Araw.

Kaya doon ako tutungo, at doon din nawa’y makatagpo.

Bitbit ko ang pag-asa na sa pagsikat ng araw ay masisilayan rin ng aking mga mata ang bubuo sa bawat kong araw.

Makikitang malinaw na mainam’at tapos na ang mahabang dilim ng gabi. Muli mang magtakip-silim ay hindi na kailanman pangungulila ang ipahihiwatig.

--

--

No responses yet