Iyan. Gustong gusto nating nilalaro iyan.
Yung tipong, pakipot ka pa, pero crush mo naman. Tapos yung isa naman, grabeng kasungitan, may lihim na pagtingin rin naman pala.
Mahilig tayo sa mga larong mala-Tom and Jerry ang tipuhan o para ring electric fan rin na umiikot at hindi magtugma-tugma. Kung kelan hindi nakatingin, tyaka tititigan.
Ganyan. Gusto natin ‘yang mga ganyan. Taguan ng feelings, hulihin mo’t sa’yo na ako.
Ganun pa man, hindi ka ba nagtataka kung bakit kapag na huli na’y nawawala na rin ang saya? Para bang ice cream na kapag apa na lang ay ayaw mo na.
‘Di ka ba nagtataka kung bakit nagiging panandalian ang dapat na panghabambuhay? Madaling nagwawakas ang pagsintang nakuha ng madalian?
Dumadating pa nga sa punto na nagkakasawaan, o isa sa kanila’y bigla na lang bumibitaw dahil may nakitang bagong sinta.
Kung hindi pa ay baka panahon na para mapatanong ka.
Bakit kay bilis manawa ni Ibarra? Bakit tila wala ng tiwalang maibigay si Maria Clara?
O di kaya’y baliktad?
Bakit kay bilis manawa ni Maria Clara? Bakit tila wala ng tiwalang maibigay si Ibarra?
Saan ka man pumosisyon, katotohana’y nabanggit na.
Sa hulihan ng damdamin na nga lang ba nakasalalay ang dapat sana’y habambuhay na pagsinta?