Si Lela At Ang Antepara

Ecclaire
Pluma Manila

--

Bago natin simulan ang kwento, hayaan mo munang ipaliwanag ko kung ano ang Antepara. Ginagamit raw ito sa salitang Cebuano at ang katumbas nito sa Ingles ay glasses o sa Tagalog ay salamin sa mata. Dahilan sa mahaba ang salitang salamin sa mata at mas may dating ito, minabuti kong gamitin ang salitang “Antepara”.

Ngayong alam mo na ang kahulugan ng Antepara, ipapakilala ko naman sa’yo si Lela. Hindi s’ya si Lele, lalong hindi rin siya si Lala. Siya si Lela.

Simple lang si Lela, simpleng probinsyana. Hindi s’ya Maria Clara kung manamit, madalas suot ay maluwang na maong shorts at kala mo laging may sasalihang liga. Huwag kang magkamali, babae si Lela, sa puso at sa diwa. Sadyang pinili lang nya ang komportable kaysa porma.

Nakita mo na si Lela? Siguro’y dapat mo na rin siyang marinig.

Mahilig siyang kumanta, at hilig rin naman siya ng mga awit na inaawit nya. Huni sa umaga, hele sa gabi. Sa bawat pag-awit niya’y kabasay ang mga pangarap na matagal niyang nilathala sa isipan. Kinasabikan pa nga’t madalas ay napapanaginipan. Madalas ang linya nya’y,

“Liwanag ng araw, kailan kaya ako masisilaw
Dilim ng gabi, kailan kaya ako iiwan
Puso mo Lela, huwag manghinawa
Ganda ng umaga’y malapit mo ng makita”

Simple lang naman ang pangarap nitong si Lela. Ang makakita.

“Maganda umaga, Lela!”

Ang bungad ni Ka Nato kay Lela. Siya nga pala ang tito ni Lela. Tito na tila ba parang totoong ama na kung ituring ni Lela.

“Magandang umaga, Paps! Anong pagkain natin ngayon?”
“Eto, pinagluto kita ng champorado at dilis. Talagang pinaghandaan ko ‘yan, para sa araw na ‘to.”
“THE BEST KA PAPS!!! E teka, ano po bang meron ngayon?”
“Miyerkules.”
“Opo, Miyerkules, e ano nga pong meron. Paps!! Sabihin mo na, hindi ko talaga maalala!”
“Haha. Ngayon mo na makikita si Doktor Mata.”
“Si Doktor Mata?? Yung nagbibigay ng libreng check up sa mata??”
“OO!! Kaya bilisan mo na’t maligo ka na. Panigurado marami ng nakapila do’n ngayon. Alam mo naman ‘pag may libre sa munisipyo first come, first served pero pwedeng sumingit ‘pag may kakilala ka sa loob. Kaya hala! Kumain ka na.”
“E paps…”
“Ano?”
“Nagpa-check up na tayo kay Doktor Mata noong isang taon e. Sabi nya, malabong makakita pa daw ako.”
“Malabo dahil bata ka pa lang ganyan na kondisyon mo?”
“Opo.”
“Lela. Nakalimutan mo na ba anong paulit-ulit kong sinasabi sa’yo? Hangga’t may buhay?”
“May pag-asa.”
“Hangga’t may butil ng bigas?”
“Mabubuhay.”
“At???”

“Hangga’t may umaga, makakakita.”

Alas-otso ng umaga na nakarating sa munisipyo sina Ka Nato at Lela. Mabilis siyang chineck-up ni Doktor Mata. Matapos ay sinabihan silang magpunta sa kabilang building katabi ng munisipyo.

Hindi nakakakita si Lela, pero marunong siyang makiramdam base sa tono ng boses ng nagsasalita at sa kung anong emosyon ang nangingibabaw sa kapaligiran.

Sa pagpasok pa lamang nila roo’y naamoy nya agad ang tila ba halong gamot at alcohol. Maamong boses ng isang babae na nagpapafill-up daw ng form ang bumungad sa kanila ni Ka Nato. Pagkaraan nila rito’y umakyat sila sa isang palapag kung saan daw titingnan ang kondisyon nilang dalawa. Dito na nagsimulang makaramdam ng halong kaba at pangamba si Lela.

“Paps, may sakit ka ba?”
“Wala.”
“E bakit narinig kong sabi nung babae, titingnan yung kondisyon nating dalawa?”
“Aa. E syempre. Nagpadamay na ko, libreng check-up ‘to e. Sayang naman.”

Hindi na inisip ni Lela ang sagot ni Ka Nato. Dahil suki talaga ito ng mga free medical check-ups. Ang laging katwiran nya’y, “Sayang naman ang biyaya”.

“Miss Lela…” Tawag ng isang maamong boses ng babae. Dali-daling inakay ni Ka Nato si Lela.

“Kayo na po’ng bahala.” Ang narinig na sinabi ni Ka Nato sa babaeng may maamong boses.

Bakas ang pagtatanong sa muka ni Lela. Una, hindi na nya alam kung bakit nahiwalay s’ya kay Ka Nato matapos silang palipatin ng building ni Doktor Mata. Pangalawa, para bang halong saya, lungkot at takot ang nararamdaman nya. Hindi na rin siya nakapagpigil at napatanong.

“Ano pong gagawin nyo sa’kin rito?”
“Ay iha. Hindi ba nasabi sa’yo ng kasama mo? Makakakita ka na!”
“Ano po?”
“Makakakita ka na.”
“Paano po yun nangyare? E sabi po ni.. Doktor… Ma.. ta..”

Huwag kang mag-alala. Nakatulog lang si Lela. Hindi dahil sa pagod. May gamot lang na itinurok sa kanya, para makatulog at hindi makaramdam. Oras rin ang inabot bago matapos ang proseso sa mata ni Lela.

Dumaan ang isang linggo matapos ang operasyon. Tila may napapansin na si Lela sa paningin nya pero hindi pa nya makumpirma. Ang sabi ng maamong boses ng babae ay baka kailangan ng dalawa o tatlong linggo pa. Kaya nanatili pa rin sila ni Ka Nato hanggang ika-apat na linggo. Hanggang sa, eto na! Dumating na rin ang araw na makukumpirma na nya ang pagbabago sa kanyang mata. Unti-unti’y may nararamdaman siyang tela na inaalis sa bahagi ng kanyang mata.

“Aa!! Ang liwanag.”
“Lela.. Nakikita mo na ko?”
“O-opo.”
“Ilan tayo rito sa kwarto?”
“Ikaw po, si ako at si Paps? Paps!! Paps!!!”
“Lela.”
“Paps!! Nakakakita na ko!!! Paps!!!”

Sobrang saya ni Lela. Sobrang saya na hindi nya maipaliwanag. Talon, sigaw, talon, tawa, yakap kay Ka Nato, at yakap sa babaeng may maamong boses.

Nakakakita na si Lela!

Sa unang pagkakataon ay nakita na nya ang sikat ng araw. Sa gabi naman ay ang ganda ng tanglaw sa kaniya ng buwan. Ang dating mga kulay na hindi nya maintindihan, ngayo’y nagbibigay kulay na rin sa mga nilalathala nyang musika.

“Pula ay para sa’yo, aking Pag-ibig
Dilaw ang dulot sa’kin ng ligaya mong hatid
Asul, kung minsa’y magtampo’t hindi ako kausapin
Ngunit mananatiling sayo lamang iibig.”

Simula ng araw ring iyon ay naging madali na ang buhay para kay Lela. Mas naging madali ang normal na buhay at eskuwela. Natuto na rin ngang pumorma at tila ba laging sasagala.

Kasabay nito’y may napansin rin siyang kakaiba kay Ka Nato. Ang perpektong champorado nya dati ay minsang naging napakaalat! Inisip na lang ni Lela na baka gawa iyon ng paglilinis nya minsan sa kusina. Napagpalit pala nya kasi ng pwesto ang asin at ang asukal. Sa isip ni Lela ay baka nagkamali lang dahil halos pareho ang itsura ng asukal at asin. Kaya minabuti ni Lela na ibalik na lang ito sa dati. Simula noo’y bumalik na rin ang dating perpektong champorado ni Ka Nato.

Isang araw, nahuli ng uwi itong si Lela dahil nahila ng barkada na tumambay muna sa may hanging bridge. Hindi siya nakapagpaalam na gagabihin siya ng uwi. Pero minsan lang naman daw kasi, kaya naisip nyang baka okay lang.

Mga ala-syete na rin ng gabi ng nakauwi si Lela. Hinatid pa nga ng barkada sa takot na baka pagalitan ni Ka Nato. Ngunit laking gulat nilang lahat ng makitang wala roon si Ka Nato. Hinanap nila sa kusina, wala naman s’ya roon pero bukas ang kalan. Hinanap nila sa kwarto’y wala rin naman. Kumatok sa palikuran, pero wala ring tao roon. Pinauna na ni Lela ang mga kabarkada nya’t gabi na rin. Sa isip nya’y baka nakipagkwentuhan lang sa kapitbahay na lagi namang gawain ni Ka Nato bago ang kanyang operasyon.

Naghintay si Lela.

Ngunit alas-nuebe na, hindi pa rin umuuwi si Ka Nato.

Pumunta na s’ya sa kapitbahay at nagtanong, ngunit ang sabi’y hindi naman raw napadaan roon. Nagtanong-tanong pa siya hanggang makaabot sa kanto, pero hindi naman raw napadaan o nakita man lang ito.

Dulot ng takot at kaba, ay nagpunta na ng baranggay si Lela. Ipinakiusap na hanapin si Ka Nato.

Isang araw ang lumipas. Walang balita.

Isang linggo na ang lumipas. Wala pa ring balita.

Isang buwan…

Isang taon…

“Paps, Nasa’n ka na?” Laging tanong ni Lela.

Sa tahimik na gabi kung saan nag-aagaw ang kapayapaan at dilim sa kapaligira’y, hindi mapigilan ni Lela na sisihin ang sarili. Kung hindi siguro siya nagpagabi ng uwi, hindi siguro mangyayari ang lahat ng ito. Ngunit ano pang magagawa nya. Nangyari na lahat ng nangyari. Wala ng natitira, kundi purong pagsisisi na lang.

Sa tahimik na gabi ring puno ng pangungulila’y, binabalikan nya ang mga gamit na naiwan ni Ka Nato. Paulit-ulit na inaalikabukan at nililigpit. Ngunit iba ang gabing ito. Sa pagkakataong ito’y minabuti nyang basahin ang mga liham na tila ba inipon ng ilang taon.

“Baka makita ko pa’y first love ni Paps.” Biro ni Lela sa sarili.

Sa pinakahuling liham ay may nakasulat na ganito.

“Lela..”

“Para sa’kin?”

“Pasensya na kung maalat ang champorado kanina. Hindi ko alam na napagpalit mo pala ang lalagyan ng asin at ng asukal. Sa totoo nyan. Isang taon akong nag-ensayo na kumilos ng walang nakikita. Dahil alam kong may isang taon na lang din ako para makita ang lahat ng mga ito.”

“Ha?”

“Simula ng nagpacheck-up tayo kay Doktor Mata nung nakaraang taon, nagtanong agad ako kung wala na ba talagang paraan para makakita ka. Ang sabi lang ni Doktor Mata, meron. Pero kailangan ng donor. Kailangan daw kasi ‘yon para sa cornea mo. Hindi ko alam ano yung cornea transplant, pero alam ko lang gusto kitang makakita. Kaya ang sabi ko, ako na lang.”

“Teka.. Hindi ko maintindihan.”

“Ako na lang ung magdonate ng mata sayo. Pero dahil alam kong matalino ka, at malulungkot ka kapag nalaman mo, inaral ko ng maigi ang buong bahay. Kinabisado bawat sulok, mula sala, kusina, kwarto at palikuran. Para hindi ka makapansin, nakiusap rin ako na lagyan nila ‘ko ng kunwaring mata. Para kapag nakatingin ka sa’kin, aakalain mong nakikita rin kita.”

“Ano ‘to Paps!!!”

“Ang galing ng siyensya no, Lela? Ngayon nakikita mo na ang araw, na dati mong pinapangarap lang. Lagi mo sanang ingatan ‘yang mga mata mo. Huwag na huwag ka sanang luluha lalo na kung para sa mga maling tao. Lagi mo sanang makita ang ganda ng buhay. Lagi mo sanang tingnan ang mabubuti sa mundong ito. At manatili ka sana na maging Antepara ko.”

“Antepara?”

“Oo, Antepara. Simula ng iniwan ka sa’kin ng mama mo, akala ko puro na pasanin sa buhay ang aabutin ko. Pero natural kang masiyahin at puno ng sigla. Ako ‘tong may kakayanang makakita pero hindi ko makita ang magagandang kulay ng mundo. Binago mo lahat ng ‘yon Lela. Ikaw ang Antepara ko.”

Read sequel here: Liham ng Mga Saiyo

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--