Takot, pag-aalala, kagulumihanan, at walang sawang pag-iisip ng “Saan kami kukuha ng makakain?” ang hatid sa’tin ngayon ng Covid-19 o Coronavirus. Ito ang usapan kahit saang bahagi ng mundo dahil sa tindi ng pinsalang dulot nito. Covid-19, nagsimula sa Wuhan China, ay isang uri ng virus na nakakahawa, nakakamatay at nakakatakot.
Tunay at walang duda ang pangambang dulot ng Covid-19 sa’tin. Marso 24, 2020 sa Pilipinas ay naitala ang mahigit 462 na Covid-19 patients, 33 na mga namatay at 18 ang naka-recover na. Wala pa rito ang bilang ng mga PUI (People Under Investigation) at (PUM) People Under Monitoring.
PUI ay mga taong nakitaan ng sintomas ng Covid-19. PUM naman ay yuong wala pang nakikitaang sintomas ngunit kailangan i-monitor dahil maaaring galing sila ng ibang bansa o nakasalamuha ng mga taong nagpositive sa Covid-19 test.
Mabilis kumalat ang virus kaya naman salamat sa Community Quarantine na agad naipatupad ng gobyerno. Kung siguro nadelay pa ito ng isa o dalawang araw ay baka hindi na maging sapat ang mga ospital natin sa dami ng mga taong maaaring apektado na ng Covid-19.
Gayon rin naman na, kung sana naipatupad ito ng mas maaga pa lamang, mas nakontrol sana ang mga taong naapektuhan ng virus na ito. Totoo na maraming proseso pa ang maaaring naipatupad ng mas mainam, mas maayos at mas may sistema. Ngunit sa bansang tulad ng Pilipinas, nakakaproud narin ang nagawang aksyon. Sa kabila ng mabilis na mga pangyayari at pangambang dulot nito, masasabi ko pa ring “Salamat sayo, Daddy!👊”
Pero ano nga ba ang Community Quarantine o mas kilala sa tawag na Lockdown?
Hmm… Para sa mga empleyado, kung ikaw ay nagtatrabaho sa supermarket, bangko, pamilihang bayan, at ospital, exempted ka. Ibig sabihin pwede kang lumabas at patuloy na pumasok sa trabaho. Lahat ng hindi kabilang sa grupong ito, ay pinapanatili sa kani-kanilang tahanan.
Para naman sa mga businessman o negosyante, kung ang negosyo mo ay hindi supermarket o bangko, pinakiusapan ito ng gobyerno na magpatupad ng work-from-home schemes hangga’t maaari. Bawal ring pumasada ang pampasaherong jeep, bus at tricycle. Tanging mga truck na nagde-deliver lamang ng mga pagkain ang pinapayagang makaraan sa mga checkpoint na nakabantay sa bawat lalawigan at probinsya, kung minsa’y kada baranggay pa nga.
Lahat rin ng social gatherings, religious, academic, work related or non-organizational activities ay hindi muna pinapahihintulutan. Kung kaya naman lahat ng mga Pilipino sa Luzon at iba pang bahagi ng Pilipinas ay pinapa-Home Quarantine o manatili na lang sa kanilang mga tahanan. Ito’y upang maiwasan ang pagsasama-sama ng maraming tao sa iisang lugar sapagkat sa ganitong paraan ay madali at mabilis ang pagkalat ng Covid-19. Lagi ring pinapaalalahanan na mag-social distancing.
Social Distancing — 1 hanggang tatlong metrong pagitan kada-tao. Para hindi makahawa at mahawahan ng Covid-19 virus ayon sa World Health Organization(WHO).
Dahil sa Enahanced Community Quarantine, napilitang hindi magtrabaho ang mga taong No work, No Pay. Salamat sa isang senador na nagmungkahe ng tulong pinansyal para sa mga empleyadong ito na bigyan ng one-time cash assistance sa halagang 5,000 Philippine Peso sa tulong DOLE. Huwag naman mag-alala kung biglang nawalan ng trabaho dahil handang magbigay ng loan ang GSIS at SSS.
Dagdag pa rito ang kalayaang ibinigay ng Presidente sa mga LGU’s na magpatupad ng mga plano para maibigay ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan lalo na sa pagkain at medical kits. Mahigpit na bilin rin ng Pangulo na patuloy na sumunod sa mga depinasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa nasabing Community Quarantine.
Kung itatanong mo naman ang mga taong walang sariling tahanan o sa kasamaang palad ay nasunugan ng bahay, ang kani-kanilang nasasakupang lugar naman ay nagbibigay pansin na rin rito. Kaya huwag na sana tayo magbatuhan ng salita sa mga Mayor natin. Higit sa pamumula ay kailangan nating tulungan ang mga awtoridad na kumalma at makaisip ng epektibo at mabilis na solusyon para sa mga kababayan nating ito.
Ang mga nasaad ay iilan pa lamang sa mga naipatupad at ipatutupad ng gobyerno para makatulong sa ating mga kababayan. Kung idadagdag pa natin ang kabi-kabilaang non-organizational reliefs at Provincial Government to Local Government Units na nakahanda nang ibigay ay baka makaipon pa tayo hanggang sa mga susunod na buwan. Nawa nga. Kaya naman,
Salamat Covid-19.
“Ano ka ba naman?! Marami na ngang namamatay, magpapasalamat ka pa?!”
“Oo maraming tulong, pero hindi mo ba nakikita nagkakagulo na sila?!”
“Huwag mong mapasalamatan ‘yang Covid-19 na ‘yan! ‘Di mo alam ang hirap ng mga front-liners!!!”
Hehe. Sa araw-araw na pagtutok at pagbabantay ko sa balita, huwag po kayong mag-alala. Kahit papaano’y nakikita ko ang mga hinanakit sa dilubyong Covid-19.
Sorry na po, pero nagpapasalamat talaga ako kay Covid-19.
Hindi dahil sa rasyong darating, lalong hindi dahil sa 13th month na (ehem!) baka dumating, at hindi rin sa mas maputing kutis na hatid ng home quarantine.
Tatlong bagay lang.
- Oras
- Prayoridad
- Disiplina
Oras
Bago magkaroon ng Covid-19 positive patient sa Pilipinas, ang lahat ay ‘tila ba nagmamadali. Nagmamadali mag-Friday kahit Monday pa lang. Nagmamadaling magising kahit gabi pa lang. Nagmamadaling kumain kasi baka maiwan ng bus. Nagmamadaling mag-asawa kasi akala sya na. Nagmamadaling magpasa ng requirements dahil finals week na, may culminating performances pa. Nagmamadali sa paglalakad dahil baka pumila ng mahaba sa MRT.
Nagmamadali tayong lahat.
‘Tila ba may hinahabol tayo na kapwa natin hindi nakikita. Tayo’y tila nakikipaghabulan kung saan tayo ang naiiwang talunan. Tayo itong nauunang mapagod.
Sa dami ng gawain, isipin, gustong marating, hinahangad, at gustong patunayan, nakalimutan natin maging sapat ang 24 oras para sa lahat ng ito.
Nakalimutan nating magpahinga.
Nakalimutan nating tumahamik sandali. Hindi para sumuko kundi para muling balikan kung bakit natin ito sinimulan. Kung kaya lang ipaalala sa atin ng memory supplement ang lahat ng ito, baka kahit papaano hindi tayo nakipaghabulan. Baka hindi tayo napapagod sa mga bagay na walang dahilan.
Ngayon, may oras na tayo para makapahinga, makapag-isip at makatulog. Makatulog ng payapa ang puso’t isipan. Kung pipiliin lang nati’ng magtiwala sa Diyos na kayang pumawi ng lahat ng takot at alalahanin.
Prayoridad
Nang pumutok ang balita na buong Luzon ay under Enhanced Community Quarantine na, akong nasa office ay kinuha agad ang cellphone at tumawag sa mama ko. Saktong pagka-ring ng phone ay may nagsalita, “You do not have enough balance to make this call. Load now and try again.” Wala pala ‘kong load.
Sa mga panahong tulad nito pala natin malinaw na makikilala sinu-sino ang mga taong aalalahanin at iintindihin natin. Kahit gaano ka-imperpekto, o kalalim ang hinampo, pamilya pa rin ang unang maiisip.
Isa itong katangian ng mga Pinoy na lagi kong ipagmamalaki. Ang malalim na pagmamahal at pag-aaruga sa pamilya. Marami mang malayo sa kani-kanilang pamilya, kailanma‘y hindi mapuputol ang relasyon basta’t pipiliin ng bawat miyembro nito na manatili ang magandang nasimulan.
Para sa ating mga naka-home quarantine, napilitan tayong manatili sa bahay. Napilitan tayong makasama ang pamilyang matagal na nating nakikita pero malimit nang makasama. Napilitan tayong magbigay ng oras para magkamustahan, kumain ng magkakasama at magnilay-nilay patungkol sa mga bagay-bagay.
Hindi ba?
Oo. Hindi nga. Hindi na nga rin ako naloadan at sa kabutihang palad, nakauwi naman ako ng matiwasay sa bahay namin.
Disiplina
Ngayon ko nakitang NAPAKABABAIT PALA NG MGA PINOY!!! Hmmm!!! Ang ku-cute nyo po!!! Sinabi ng Home-Quarantine!!! Ay, mga nasa HOME naman talaga. Kung saan man ‘yung home na itinuturing.
Haha, pwera joke, maliban sa ibang tao mas nauna kong nakita ang disiplinang kulang sa sarili ko. Disiplina sa pagsasala ng mga tunay na balita mula sa mga kwentong barbero lamang. Disiplina sa mga salitang mababasa at maririnig na bibigyan ng karapatang makaapekto sa aking emosyon. Disiplina sa mga ipo-post at ishe-share sa social media, lalo na sa Facebook. Disiplina sa salitang gagamitin patungkol sa gobyerno at iba pang sektor na punong-abala sa krisis na kinakaharap ng bansa ngayon. At disiplina sa pagkain. (Seryoso!)
Kulang at nangangailangan ng epektibong solusyon ang disiplinang hinahanap ko sa aking sarili. Ito’y disiplinang masasabi nating sana all alam. Ganun pa man, hindi naman natin maipipilit ito sa iba kung hindi nila nakikita ang pangangailangan sa mismong mga sarili nila.
Hindi ko man mabago ang iba, mababago ko naman ang sarili ko. ‘Yun para sa aki’y sapat para sa hinahangad kong marangal na pagbabago.
Kaya naman habang lito ang marami, puno ng takot at pangamba, at ‘tila ba walang liwanag na matanaw. Ito’y magandang pagkakataon upang mahasa at mapagtibay ang kulang na disiplina.
Isama mo pa ang ‘tila ba pagyugyog sa pananampalatayang pinagtibay ng panahon at mga pangako ng Bibliya. Kapayapaang tunay na Diyos lamang ang makakapagbigay. At sa nag-iisang Diyos kung saan tunay akong may kaligtasan. Jesus ang Kanyang Ngalan.
Ipahayag mong si Jesus ay Panginoon at sampalatayanan mo sa iyong puso na binuhay siyang mag-uli ng Diyos. Kapag ginawa mo ito, ikaw ay maliligtas. Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng puso ikaw ay sumasampalataya patungo sa pagiging-matuwid. Sa pamamagitan ng bibig ikaw ay nagpapahayag patungo sa kaligtasan. Roma 10:9–10 (SND)
Oo, salamat Covid-19. Salamat talaga. Lahat ng ito’y nagliwanag ng mainam sa gitna ng madilim na kapaligiran. Puso ko man kung minsa’y nag-aalala, ngunit patuloy at patuloy na babalik sa aking Pag-asa. Oo, Hesus ang Ngalan Nya.
Salamat.
Sapat naman na siguro ang mga aral na natutunan. Maging mga buhay na kinuha mo na. Kaya naman, Covid-19, mawala ka na. Tama na.
Tama na!
References:
https://news.mb.com.ph/2020/03/18/villanueva-lauds-dole-for-helping-no-w
https://businessmirror.com.ph/2020/02/19/unemployment-benefit/
https://www.philstar.com/headlines/2020/03/20/2002243/national-government-calls-shots-crisis-not-lgus-duterte
https://news.abs-cbn.com/news/03/19/20/coronavirus-philippines-covid19-sanitation-tents-design-up
https://www.gmanetwork.com/news/news/regions/730845/fire-breaks-out-in-residential-area-in-bacoor-cavite/story/
https://www.oregon.gov/oha/PH/DISEASESCONDITIONS/COMMUNICABLEDISEASE/REPORTINGCOMMUNICABLEDISEASE/REPORTINGGUIDELINES/Documents/Novel-Coronavirus-2019.pdf
https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/advice-for-public