S.Y 2010–2011

Ecclaire
4 min readMay 31, 2020

Nandirito kami ang barakada mong tunay aawit sayo,
sa lungkot at ligaya, hirap at ginhawa
kami’y kasama mo
— Awit ng Barkada, APO Hiking Society

Dati no’ng edad ko’y Dose, excited na excited akong matapos ang school year. Maliban kasi sa magbabakasyon na, naisip ko na rin noon na magkakaron ako ng bagong sapatos para sa darating na pasukan. Bagong notebook, bagong bag. Pinaka-exciting para sa’kin ung mga bagong makikilala. Mga bago ko “sanang” kaibigan.

Hindi naging madali ang lahat. Nagkaroon ako ng masabi nating culture shock. Mula kasi sa 15 na estudyante sa loob ng isang section ay nagkaroon ako ng mahigit 60 na kaklase. At dahil first year high school, isa lang kami sa siyam na section. Isipin mo ‘yon, siyam na section na may tig-60 na estudyante. Mahigit kumulang 540 na estudyante, para lang sa first year! Sinong hindi malulula? O siguro sanayan lang. Dahil matapos ang ilang buwan at tao’y nasanay rin naman sa ingay, gulo at saya.

Hindi naging madali. Yuong excitement ko na makakilala ng bagong kaibigan ay napalitan ng hiya at takot dahil ang arte raw ng bigkas ko sa mga english words. Umaangat sa klase, at naging top-1 pa nga kada-grading kaya lalong nakainisan. Nagkaron pa ng grupo na ang tawag nila sakin ay Orocan. Dahilan nila’y plastik raw kasi ako. Kada lakad ko sa corridor, sa isip pala nila’y may tugon. “Ayan na si Orocan.”

Hindi naging madali. Hindi talaga. Sabi kasi nila, pinaka-masaya raw ang high school. Pero bakit tila dalawang taon na, hirap pa rin akong makisalamuha sa mga tinuring kong kaibigan. Hindi ko maisip paanong magiging masaya, ang ganitong pakikitungo nila sa akin. O baka naman, pakikitungo ko sa kanila.

Matatapos na ang taon para sa third year high school, nagkaroon ako ng mga kaibigang lalaki na makakabiruan. Nagtuloy ang pagkakaibigan hanggang fourth year high school. Nanalo bilang Mayor ng Supreme Student Government at duo’y mas napalapit sa iilang tao na masasabi ko mula sa puso ko na tunay ko silang kaibigan.

Graduation S.Y 2010–2011, ‘tila ba nag-iba ang ihip ng hangin. Parang ayoko na yata grumaduate. Ayoko na makakilala ng bago. Masyado kasing naging malapit sa puso ko ang mga kaibigan ko no’n, bagamat iilan lang naman sila. Sa haba ng panahon bilang magkaklase, napakaikli ang naging panahon na pinagsamahan bilang kaibigan.

Sa lungkot na rin siguro, napaiyak pa kami nung graduation night na kala mo hindi na magkikita. Pero sa totoo, sabay-sabay rin naman kaming nagkumpleto ng requirements para sa kolehiyo. Halos parang hindi naman nga kami naghiwa-hiwalay. O siguro, hindi ko lang agad naramdaman ang paghiwalay.

Natapos ang unang taon sa college, kumpleto pa rin kami.

Ikalawang taon, medyo nababawasan na ang oras dahil may kanya-kanya ng nakilalang kaibigan.

Ikatlong taon, mas dumami na ang mga bagong nakilala. Ang iba’y nagkajowa pa nga. Lalo ng hindi nagkita.

At hanggang sa naka-graduate na nga sa college. Nagkikita pa rin. Pero napakadalang na. Gayun pa ma’y buo pa rin sa puso ang pagkakaibigan. Kung magkita’y puno ng saya, walang ilangan. Puno ng tawanan, kwentuhan.

Ngayon nga’y nagtatrabaho na.

Kung magkita man kami’y laging biglaan dahil kung hindi OT ang kalaban, magkakakaibang holiday ang hadlang. Bigla-bigla na lang magkakayayaan at kung nataong nakapahinga ka lang sa bahay, malamang sa um-oo ka na, dahil baka hindi na maulit pa.

Ni isa sa ami’y wala pang anak. Kaya siguro masaya rin na balikan lahat ng kalokohan na ‘tila ba kahapon lang. Ni isa’y wala pang asawa, kaya rin siguro kahit gabihin sa kalsada’y, nanay lang ang kakatakutang tumawag. Sa kasamaang palad, ni isa sami’y wala na ring nobyo/nobya. Ang mga nobyo/nobya na ito’y tinangay yata ng panahong laging nagbabago. Maaari! Maaari rin naman na, sila mismo ang nagbago at nalaman na lang pagdaan ng panahon.

Buti na lang. Buti na lang! Nanatili ang pagkakaibigang pinagtibay ng panahon.

‘Di ko gustong bigyang pugay mga kaibigan ko. Mahiyain kasi sila. Kung iyon man nga ang tamang tawag. Imbes kasi na matuwa at sila ang inspirasyon ko rito’y, sasabihin lang nila, “Masaya rin kung ililibre mo kami, samgyupsal at kape lang!” HAHA! Imba diba? Napaka-imba.

Pero bakit nga ba?

Halos, sampung taon na rin! Bakit nga ba sa tagal ng panahon, nanatili sila?

Bakit sa dami ng nagbago, nanaba, namayat, nanaba ulit, umitim, pumiti, at may kaunting pagbabago sa mukha, bakit nanatili silang kaibigan?

Hindi ako pa-sweet.

Seryoso.

Napapatanong rin talaga ako.

Bakit sa saya, sa lungkot, sa kilig, sa heartbreak, bakit nanatili silang andiyan?

Isa itong hiwaga para sa’kin. Siguro dahil minsan akong naging isang bangka sa kalagitnaan ng malawak na dagat. Nung una’y may kasama akong magsagwan at pinangakuang magkasamang sasagwan makarating lang sa lupa. Nang biglang may dumating na magandang barko, kala ko’y layunin nami’y nanatiling isa. Ngunit paglingon ko’y iniwan na palang mag-isa.

Kaya nga patuloy kong tanong.

Bakit may nanatili? At bakit may hindi?

Sa bawat nanatili, ang tingin ko sa kanila’y pagpapala. Salamat.
Sa bawat lumayo at nang-iwan, ang tugon ko pari’y salamat. Hindi naman na siguro mahalaga ang paliwanag. Basta, salamat.

Ikaw, isa ka rin ba sa kanila?

Ito’y tanong na sa’king isip ay patuloy na naglalaro. Bagamat hindi alam kung tama nga bang itanong. Pero siguro, bahala na.

Bahala na, pagkat sa’king mga mata ika’y pagpapala.

Isa ka rin ba sa kanila?

--

--

No responses yet