Sa etika, ang prinsipyo ay maaring ipakahulugan bilang isang uri ng pananaw ng isang indibiduwal ayon sa kanyang sariling paniniwala. Ito ang basehan ng tama at mali o opinyon lalo na sa mga bagay na hindi pa naiisa-batas.
Simula
Ang prinsipyo ay isang malalim at sensitibong usapin. Kung kaya naman, hayaan mong sabihin ko na wala ni isa man sa mga nilalaman nito ang nagsasabing tama ako. Hindi ko rin nais ipilit ang kakaunting nalalaman ko. Layunin lamang nito na mabigyan linaw ang lalim ng prinsipyo sa buhay ng isang tao.
Marapat lamang na may mga prinsipyo tayong pinanghahawakan. Mga prinsipyong maglalapit sa mga tamang daan, direksyon na dapat lakaran, at mga tamang tao nating makakatuwang. Mga prinsipyong tumatak mula pagkabata, itinuro ng mga magulang, at maaaring namana lang rin nila mula sa kanilang mga magulang.
May mga prinsipyong natututunan lamang habang tumatanda. Sa eskwelahan, mga kaibigan at maging personal na pangyayari sa buhay. Habang tumatagal sa mundo’y nagiging buo at malinaw bawat prinsipyong ating pinanghahawakan. At siya ring bumubuo sa pagkatao ng sinuman.
Gitna
Integridad, katapatan, kabutihan, respeto, paggalang at matulunging puso ang madalas na maaalala pagdating sa prinsipyo. Tayong mga Pilipino ay kilala sa pagiging matulungin at paggalang sa mga nakakatanda sa pamamagitan ng “Po” at “Opo”. Prinsipyong dapat sana’y nakatatak hanggang makailang henerasyon.
Teka, bago ka mag-amok at magsabi nang “E panahon namin magagalang pa ang mga bata. Ngayon! Ay nako!”. Balikan muna natin ang isang katotohanan. Bawat prinsipyo nating natutunan ay maaaring umukit ng malalim o nawala na sa puso’t isipan.
Sa paanong paraan?
Habang tumatagal ang panahon, nagbabago ang kapaligiran, nagbabago ang mga nakasanayan, at nagbabago ang mga tao. Ang mga pagbabagong ito ay nagdudulot ng iba’t ibang resulta sa buhay ng tao.
Simpleng halimbawa, ang dating payapa dahil sa malinis at malamig na hangin, ay magiging puno ng pagkairita at pagkainis kapag ang hangin ay naging mainit at marumi. Dahil rito’y mababago ang tao, ang pakikitungo at reaksyon ng lahat ay apektado.
Hindi simpleng halimbawa, pagkamatay ng minamahal, bankruptcy, paghihiwalay ng mga magulang, away sa lupa at pera ng angkan, hindi pagkakaunawaan ng mga kaibigan, at pagkadismaya sa taong akala mo noo’y karespe-respeto.
Sa mga pagbabagong ito nakasaad kung gaano kalalim ang prinsipyo na ating pinanghahawakan.
Kung paanong ang ginto’y pinaparaan sa apoy upang makita ang tunay na halaga, siya rin namang pagsubok sa atin kung gaano katotoo sa puso ang mga pinaniniwalaan.
Huwag kang mag-alala. Ilang taon palang naman akong nabubuhay ngunit maraming pagkakataon naring sinubok at halos pilit alisin ang mga prinsipyong pinanghahawakan ko. Malalim na pagkadismaya sa sarili, paghahanap ng katotohanan mula sa kawalan, kalungkutang hindi mabitawan at walang humpay na pagtatanong, “Bakit?”.
Oo’t naging mahirap ang lahat. Hindi mabilang ang mga araw na ninakaw ng takot at pag-aalala ang payapang pamamahinga. Ngunit ngayon, masasabi kong ako’y nagtagumpay pagkat hinulma at pinagtibay nito ang mga prinsipyong bumubuo sa’king pagkatao.
Ilang ulit man mabasag ang salamin sa harap ko, alam kong buo ako.
Iyo maaaring itanong, kailangan ba talaga ng paghihirap at kapighatian para mapatunayan lang na may prinsipyo kang tao? Hindi ba pwedeng saya, tawa at kapanatagan na lang?
Kung iyan ang tanong, maaari bang sumagot rin ako ng patanong?
Natural ba tayong pinanganak na tapat?
Natural ba tayong mapagpakumbaba?
Noong isinalang ba tayo’y marunong na tayo magpasalamat?
Noong bata ba tayo’y marunong na tayo magbigay?
Noon pa man ba’y marunong na tayo ng tunay na pagmamahal?
Sa aking tingin ay hindi.
Hindi tayo natural na tapat, mapagpakumbaba, marunong magpasalamat, mapagbigay at mapagmahal. Kung kaya’t kailangan natin itong matutunan. At para mapatunayan ang natutunan, kailangan natin dumaan ng pagsusulit. Mga pagsusulit na madalas kung tawagin ay paghihirap o kapighatian.
Walang pagsusulit na madali. Lahat mahirap. May ilang kailangan pagdaanan ng paulit-ulit. May ilang naipapasa, pero pasang awa. May ilan naman na kailangan lang daanan, at next level na.
Siguro’y ito na ang Huli.
Ikaw ang pumipili ng mga prinsipyong bubuo o bumubuo sayo. Ikaw ang makakapagsabi gaano kalalim iuukit sa puso ang bawat letra nito. Ikaw rin ang makakapag-desisyon kung ipapamuhay o hanggang bigkas ng labi lang ang lahat ng ito.
Kung may pinakamagandang regalo na binigay sa atin ang Diyos maliban sa kaligtasan sa Panginoong Hesus, ito ay ang karapatang pumili. Bawat prinsipyong pinili, at pipiliin ay nakasalalay sa bawat desisyon sa araw-araw. Salamat sa Diyos, sapagkat sa ganda ng karapatang pumili, kumikinang ang mga pusong tunay na Siya ang pinili.
Ngayon, kamusta ang mga prinsipyo mo? Nayanig na ba? Nawala na? O nananatiling matatag sa kabila ng mga kwestyon, depresyon, kakulangan at pangamba? Kamusta ang mga prinsipyong pinili mong bumuo sayo? Sa tiyak na kapayapaan ba ang dulo nito? O tiyak na kapahamakan?
Kung lahat ng ito’y matapos na, balikan mo lang,
Prinsipyong bumuo sayo mula noon pa man
Huwag hayaang malinlang ninuman