Nomad

Ecclaire
3 min readApr 23, 2021

--

Photo by Simon Berger

I. Yaman

Sa isang mahiwagang kagubatan, ako’y napadpad. Pagmulat ng aking mga mata, sa hindi ko maintindihang kaparaanan, ako’y narito na. Puno ng kulay at ganda ang buong kapaligiran. Tila musika ang paghuni ng mga ibon habang naghahabulan sa langit. Nakakahawang tawa naman ang tunog ng mga hayop kung sila’y magkulitan at maghabulan. Sa tabing ilog ay kitang kita ang kulay asul na tubig. Maaaring mainom at pagkatamis-tamis pa nga. Nagsasayawang mga dahon at bulaklak saliw sa ugoy ng hangin ay damang dama. Sa ‘di kalayua’y may makisig na kabundukan na matatanaw.

Ilang araw ako rito’y nanahan. Naglibot, umikot, kinilala bawat halaman at hayop maamo man o hindi. Tuwing sasapit ang gabi’y tanglaw ang buwan at mga bituin na tila sa’kin ay laging nangungusap. Palagi ko rin naman silang nakakatulugan.

Isang araw ay nakita ko ang isang kaibigang alaga, ahas ang tawag sa kanya. Kakaiba ang kaniyang mata at tila ba nanghahamak pa.

“Bakit ka nandito? Hindi ka yayaman dito.”

Ang sabi ng ahas at bigla na lang gumapang papalayo hanggang sa hindi ko na nakita.

Simula nang araw na iyo’y nakalimutan ko ng makipagkwentuhan sa buwan at mga bituin. Isip ko’y napuno ng kaisipan kung ano nga bang dahilan bakit ako nandito.

Unti-unti, nabawasan ang saya sa pakikipag-usap sa mga halaman at hayop. Maging pakikipaghuntahan sa buwan at mga bituin ay hindi na masaya. Hanggang sa isang araw, tuluyan ng nagsawa at ginustong lumisan.

Hindi na nanghinayang, umalis at nakipagsaplaran. Hinayaang madala kung saan ang mga paa. Walang kasiguraduhan kung saan mapupunta. Unti-unting naubos ang dalang pagkain, maging tubig ay kapos. Humanap ng ilog, nakakita ngunit napakarumi na.

Patuloy na naglakbay, pagod at gutom sabay ng nararamdaman. Wala ng nagawa kundi matulog na lang. Hanggang sa bigla na lang….

“Hoy iho!! Gising!! Buhay ka pa ba?”

Pilit binubukas ang mata, habang ginagabayan ang ulo ko upang ako’y painumin ng tubig niyang dala.

“Iho.. ayos ka na ba?”

Sa pagkakataong akala ko’y katapusan ko na, may isang matandang lalaki na nagligtas ng buhay ko.

“Nawawala ka ba?” Tanong niya.

“Hindi ho ako nawawala. Naghahanap lang ho ako ng lugar na pinakamainam tirhan.”

“Bakit? Wala ka bang tirahan?”

“Meron, pero iniwan ko. Hindi ko alam bakit ako nandoroon. Para bang may kulang at hindi ko makukuha iyon sa lugar na tinirhan ko noon.”

“A ganoon ba. Tutulungan kita. Sa isang kondisyon.”

“Ano ho iyon?”

“Kapag yumaman ka na, bibigyan mo ako ng kalahati ng yaman mo.”

“Yaman? Ano’ng Yaman?”

“Pera!!! Pera o kaya ginto!”

“O… o sige ho.” Hindi ko man alam ano’ng sinasabi niya pero pag-oo lang naiisip kong sagot para sa tulong kong kailangan.

“O sige ha. Makinig kang mabuti.

Kung lalakaran mo iyang diretso sa kanan, may makikita kang bayan puno ng mga bahay at matataas na establisyamento, maganda at magagarang kainan. Mayroon pang mga bahay na may tubig sa ibabaw. Napakayayaman ng mga naninirahan riyan. Kung isa ka sa kanila’y diyan ka pumunta. Pera ang kailangan mo para yumaman.

Kung naman liliko ka sa kaliwa’y may makikita kang mga bayan na parang panahon ng hari at reyna. Ang alam ko’y nakatira riyan si Prinsesa Sara. Kung kilala ka niya’y siguradong ipapakilala ka maging kay Prinsipe Cedie. Kailangan mo ng magagarang alahas o singsing o kahit purong ginto para makasabay ka sa pamumuhay ng mga naaririyan.

At kung doon ka naman sa gawing iyon,” habang tinuturo nya ang direksyon kung saan ako nanggaling

“Doon po ako galing ‘lo.”

“Ha? Doon ka galing?”

“Opo. Bakit ho?”

“Ang lugar na iniwanan mo ay ang nag-iisang lugar kung saan wala kang mararamdamang pagod at pag-aalala.”

“Pero, wala namang ibang makikita ro’n kundi kausapin ang mga hayop, halaman, magtampisaw sa tubig at magbungkal ng lupa! May hinahanap ako, hindi ko pa lang alam kung ano, pero kailangan kong umalis para makita ko iyon!”

Sa pagkakasabi ko nito’y napatitig siya sa akin ng mainam at tila ba wala ng magawa. Sabay ng buntong hininga, kanyang sinabi,

“Kung iyan ang iyong pasya, ay sige. Pumili ka na, kung saan ang tingin mong pinakamainam.”

--

--

No responses yet