Nagmamahal, CME

Ecclaire
4 min readJul 15, 2020

--

Hi,

Kamusta ka na? Kamusta ka na kaya? Saglit ‘wag ka muna sana magalit. Wala naman akong ibang pahiwatig. Gusto ko lang kahit saglit, ako’y iyong marinig.

Malakas ka pa rin kaya humalakhak? Naiinis ka pa rin kaya ‘pag nalalagyan ang pagkain mo ng ketchup? Napapasayaw ka pa rin kaya kapag sisig ang nakahain sa hapag?

Kamusta ka na kaya? Naalala mo pa kaya ako? Ako nga pala ‘to. Ako yung kasama mo noon. Ako yung handa kang samahan, sa anumang pagsubok ng buhay, sa hirap man o sa ginhawa. Kahit mga bata pa’t marami pang gustong marating sa buhay.

Ako ‘yon, yung kasama mong nangarap.

Mga higanteng pangarap na akala kong tutuparin natin ng magkasama, napangyari mo na ba? Mga pangakong sabi mo na para sa’kin lang, para na yata sa iba?

Saang mga lugar ka na kaya nakapunta? Naiisip mo kaya — sana ako ang iyong kasama? Sa mga lugar na dati tayong nagkikita, ni sumagi man lang ba sa isip mo na ako’y muling makita?

Heto nanaman itong pakiramdam.

Tila naghahabol ng hininga kahit nakaupo lang naman.

Haa…
Haa…
Kalma.. Iniwan ka na.

Tama na. Pinalitan ka na nya.

Teka…Iniwan ka na. May iba na sya.

Tama na… Ipinagpalit ka na.

TAMA NA!!!

Nalulunod ako — sa bawat alaala mo. Parang higanteng alon na sinira ang buo kong kabahayan. Bigla na lang nawala ang tinuring ko nang lahat. Pagtingin ko’y wasak na — wala nang natira.

Wala na. Tapos na. Wala na. Tapos na. Wala na…

Wala na ‘kong magagawa” na lang ang kaya kong sabihin. Pilitin ko ma‘y hindi na mareremedyohan pa. Iyakan ko ma’y wala nang magagawa. Magmakaawa ma’y hindi na mananatili pa.

Kaya ngayon! Ngayon!

Ngayo’y pipigilan ko ang hanapin ka. Pipilitin kong hindi ka na hangarin pa. Ni hindi ka na muling nanaisin pa. Malinaw na sa’kin. Malinaw na sa’king tayo’y malabo na.

Wala na tayong pag-asa.

Oo! Noon pa ma’y pinauulit-ulit mo na. Wala na tayong pag-asa. Noong binitawan mo ko’y pinanindigan mo na — wala na tayong pag-asa!

Pero, ewan ko. Ewan ko.

Pagkat kahit papaano’y gusto ko pa ring malaman. Gawa nang saya na akin pa ring nararamdaman sa kaisipang ako’y naalala mo pa. Masaya pa rin sa ideyang ako’y kilala mo pa’t sayo’y may kaunting halaga.

O baka iniisip ko na lang — na ako sayo’y may halaga pa.

Sa pagdaan ng panahong hinintay kita, natutunan kong hindi lahat ng hangad, natutupad. Hindi dahil gusto, nakukuha. Sadyang may mga bagay na malabong magtagal.

Kahit iyakan, pagtyagaan, pagpaguran, mahalin nang higit sa ano pa man — kung hindi laan sayo — hindi kahit kailan man magiging iyo.

Kaya naman kung madalang na sumagi sa iyong isipan ay ayos lang! Kung hindi na naalala sa pagsapit ng umaga ay ayos lang! Kung hindi mo na nakikitang hinihintay ako sa altar ay ayos lang! ‘Wag kang mag-alala, ayos lang!

Pramis, ayos lang. Huwag ka na ma-guilty pa.

Patawad nga rin pala.

Patawad sa bawat pagpilit kong bumalik ka. Alam kong nahirapan ka ring magsabi ng,

Tama na. Wala na.

Patawad sa pag-iyak kong tila humihingi nang isa pang araw ng pag-asa. Ramdam kong kahit papaano’y nasaktan ka. Patawad na hinintay kita, kahit may iba na. Kung hindi siguro ako naghintay ay baka mas naging malaya’t masaya kayong dalawa.

Patawarin mo ‘ko kung ipinilit kong magkasya sa puso mong matagal ng nilaan sa iba.

Patawad.

Sinadya kong gawin lahat ng iyan. Sa pag-asang baka sakaling magbago ka. Baka maalala mo kung gaano mo ‘ko minahal noong una. Noong hindi mo pa sya nakikilala.

Noong ikaw at ako pa lamang. At wala pang siya.

Ngunit ngayo’y malinaw na.
Wala nang bukas para sa ating dalawa.

Dinala mo ako noon sa lugar kung saan tayo’y naging masaya. Salamat sa paghatid at pag-iwan mo sa’kin sa lugar kung saan mo ‘ko unang nakitang mag-isa. Noong ang puso ko’y tahimik at wala pang kahit na anong marka.

Mahal, kung sakaling magkita man tayo muli ay huli na — sa bagong simula na dati’y dalangin ko para sa’ting dalawa. Tingin ko’y sapat na ang luha, oras, paghihintay at panalanging inilaan ko para sa pag-asa na babalik ka pa.

Mahal, gusto ko na magsimula ulit. Gusto ko na maging masaya ulit. Gusto ko nang umibig ulit. Gusto kong gumising sa araw-araw na masaya’t walang halong pagdurusa. Gusto kong makita ang sarili kong umiibig — sa taong laan sa akin nang Lumikha.

Ngayon, dala ko ang mga aral ng pagbangon sa dusa. Panalangin at pag-asa para sa darating na sinta.

Alam kong darating rin siya.
Alam kong nandiriyan lang siya.

Kaya Salamat. Maraming salamat.

Ang hangad ko’y tunay tayong sumaya — sa piling ng iba.

Sa piling — ng iba.

Nagmamahal,
CME

--

--

No responses yet