Photo By James Wang of Washingtonpost

Isang Metrong Distansya

Ecclaire
2 min readMay 15, 2020

Bakit tila isang kilometro na? Isang daang kilometro pa nga yata.

Sa gitna ng masasayang parties at tawanang walang humpay, abalang buhay trabaho at eskwela, lahat tayo’y sabay-sabay na pinaghiwa-hiwalay. Tila ba harang na hindi natin makita ngunit kailangan.

Kailangan, ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, na maglayo ang bawat taong nasa labas ng kanilang tahanan upang maiwasan ang pag-transmit ng virus mula sa isang tao papunta sa isa pa. Global protocol ito upang mapabagal ang pagrami ng cases ng Covid-19, o Novel Coronavirus. Social distancing ang sikat na tawag rito.

Sa mga lugar na totohanang sumusunod sa protocol na ito, wala ka ng makikitang mga tao na magkakalapit ng isa o higit pang metrong distansya.

Tatlong buwan na rin halos simula ng gawin ito sa Pilipinas. Pinipilit hangga’t maaari ng karamihan na sundin ito. Kaya naman may ilang pinipili na lang na hindi lumabas ng bahay lalo’t hindi naman kailangan. Masyadong maliit ang virus para sa mga mata. Mas mabuti na’ng mag-ingat.

Sabi nila isang metro lang. Pero bakit parang isang kilometro na?

Isang daang kilometro pa nga yata.

Sa sobrang layo ng distansya, ang daming mga taong hindi ko na makilala. Nabago ang takbo ng mundo dahil sa krisis pero tila ba pati karamiha’y nagbago na?

Hindi ko na sila makilala.

Mula sa payapa’y naging magulo ang mga salita. Mula sa kalmado’y naging palasigaw na. Mula sa mapagpasalamat ay naging reklamador na. Mula sa magandang bulaklak ng pananalita’y tila, nabulok na.

Hindi ko na sila marinig.

Dati nilang tawang umaalingawngaw sa malungkot na gabi. Dati nilang sigla sa pagbati ng “Magandang Araw!”. Dati nilang paghimig na tila ba ako’y hinehele tuwing gabi. Dati nilang himnong pumapawi ng pagod at pagkalugami.

Hindi ko nilalahat. Hindi ko nilalahat. Ngunit pansin ko lang marami na rin ang lumayo. Kung pigilan ba’y magpapapigil? O baka, itaboy rin itong naghuhumiyaw kong damdamin?

Darating ang panahong matatapos ang lahat ng ito. Ang social distancing ay hindi na gagawing protocol at maibabalik na ang dating normal.

Gayunpama’y, hindi ko nilalahat. Baka hindi rin lahat maibalik sa dati nilang normal.

Kaya mag-ingat kang lagi at ‘wag hayaang malayo ng tuluyan.

Isang metrong distansya lang.

Sapat at tamang distansya lang.

--

--

No responses yet