Ikaw Pala

Ecclaire
1 min readMay 31, 2020

--

Sa gitna ng kagulumihanang buhat ng maraming tanong,
Namukod tangi kagustuhang umawit kahit walang tunog,
Sa ingay ng kabi-kabilaang pagtatalo,
Naghari naising marinig Iyong perspektibo,
Sa nakakaaliw na tawag ng mundo,
Heto’t inaabangan pagtawag Mo sa pangalan ko,
Sa kinang ng magagandang ginto,
Mga mata Mo inaasam na mapagmasdan ng mga mata ko

Nagulat rin ako habang sinusulat ko bawat letra nito,
Ikaw pala ang pinakahahanap-hanap ko
Oo, Ikaw na pumupuno ng pag-ibig sa pusong ito
At bukod tanging Ikaw lang rin pala,
Hinahangad, inaasam ko

Magkahalong saya at takot aking nadarama
Sa katotohanang ikamamatay ang hindi Ka makita,
At gayon rin ang literal Ka nang makita
Gayon pa ma’y hayaan Mo sana
Kahit sa kasimplehan ng katahimikan,
Maramdaman kong mainam
Ang Iyong kalapitan
Ang Iyong kasiyahan
Ang Iyong kapayapaan

Walang ibang hangad sa mga oras na ito,
Kundi ang magbigay kasiyahan sa puso Mo
Tangan sa kanang kamay ay ang pagmamahal ko
Bukod tanging para Sa’yo
Sa kaliwa nama’y ang buhay na ito
S’yang nag-iisang taglay ko
Kung may ikatlong kamay pa’y iaalay ko
Sapagkat lahat ng ito’y hindi sasapat sa isang tulad Mo
Namumukod tangi at higit sa lahat, walang tulad Mo

Simple lang ang tulang ito
At napakalayo sa perpekto
Ngunit kung kaluguran Mo
Maaari bang ilapit Mo pa ‘ko sa Iyo?
Tulungan Mong laging nasa tabi Mo
Kailanman ay ‘wag na muling lumayo — malayo,
Kahit gaano pa agawin Sa’yo ng mundo

--

--

No responses yet