Sa pag-unawa na lahat ng tao’y may kanya-kanyang kahinaan, higit kang pinagpala.
Sa pagtanggap na hindi ka laging tama at mayroon ring kakulangan, higit kang pinagpala.
Sa pagkilala sa sarili mong potensyal at gayon rin sa mga taong higit sa iyong kakayanan, higit kang pinagpala.
Sa pananaw para sa ikabubuti ng lahat, higit kang pinagpala.
Sa pakikisama bagaman tinisod ka ng sadya, higit kang pinagpala.
Sa respetong laan sa lahat, maging sa mga hindi karapat-dapat, higit kang pinagpala.
Sa pagpapatawd kahit walang hininging kapatawaran, higit kang pinagpala.
Sa pagngiti sa mga adbersiya at maling haka-haka, higit kang pinagpala.
Sa pagpapasa-Diyos sa mga usapang wala namang basehan at kwentong barbero lamang, higit kang pinagpala.
Sa pagpupursigi bagaman hindi pinapaboran, higit kang pinagpala.
Sa pagtanggap na lahat ng tao, maging ikaw, ay may kahinaan, higit kang pinagpala.
Iba ka. Bukod tangi ka.
Sa mga taong nanatiling tahimik noong nangangailangan ka ng suporta,
Sa mga taong nanatiling bingi sa tulong mong kailangan,
Sa mga taong naging bahagi ng mga usapang nagbaba sa iyong katauhan sa harap ng iba,
Sa mga taong nagwika ng mga salitang sumugat sa pusong sumisikhay,
Sa mga matang nanlalait at kay galing manghusga,
Magpasalamat ka, sa kanila.
Silang nagpatibay ng katatagan mong tangan. Sila ang nagbigay inspirasyon upang patuloy kang lumaban, habang kinikilalang hindi sila ang kalaban.
Sila ang apoy na lumapnos sayong kakayanan at nagpadalisay sa ginto mong ‘di maaagaw ninuman kailanman.
Magpasalamat at patuloy na magpatawad.
Upang maging ganap at higit kang mapagpala.