Sasakay sa bus, pipiliin yuong pinakadulo malapit sa bintana. Suot ng earphone sabay play ng paborito mong “Byahe playlist”. Sa unang tatlong minuto’y naeenjoy mo pa bawat lyrics ng kanta. Napapaindak pa nga sabay sa tunog at saya ng kanta.
Tuloy ang takbo ng bus. Hinto, sakay ang mga pasahero, tuloy. Hinto, baba ang pasahero, tuloy.
Labinlimang minuto na ang nagdaan, unti-unting nagbabago ang datingan ng kanta. Tahimik at mas payapang “genre” na ang napapakinggan. Dala pa rin ng ganda ng kanta’y, di mo namalayang nakatitig ka na sa ganda ng halamanan na nadaraanan. Pumapawi ng pagod habang tinitingnan ganda ng malawak na mga palayan. Bigla walang anu-ano’y mapapaisip ng, Paano kaya kung magkaron ako ng bahay? Ang saya sigurong magkaron ng sarili mong pangarap na bahay. Yung hindi madaling bahain at sapat para magkasya pinapangarap kong pamilya. Oo, pamilya.
Gusto ko rin yung may dalawang palapag, may parking at saktong kagamitan lang para sa’tin. Sa atin. Aa.. Oo nga pala. Diba pangarap nating dalawa ‘to? Nagtalo pa nga tayo sa’n tayo bibili ng bahay kasi sabi mo ayaw mo ng malayo sa Bulakan, e sabi ko rin ayokong malayo sa Hagonoy. Muntik na tayong mag-away no’n pero sabi mo, sa Malolos na lang. Para gitna ng mga lugar natin. Oo, ‘di ba sabi mo pa nga no’n gusto mo rin magkaro’n ng sasakyan. Tapos may sabitan ng bike sa likod para kamo kung sa’n man tayo makapunta may bike kang magagamit. Tapos.. sabi mo.. sabi mo dati.. sabi mo magkasama tayo hanggang huli. Haha. Haha. Pero wala na nga pala tayo. Wala ng tayo. Wala na ‘yun. Tapos na. Oo, tapos na. Tapos na. Tapos na. Tapos na. Tapos na.
Tapos.. saglit. Kalma. Sorry. Nasa’n na nga yung kinekwento ko? Aa. Oo.
Ganito ka rin ba? Iiling-iling, para maiba laman ng isipan. Palihim na umaasang sa pag-alog ng utak ay malaglag na rin mga alaalang ‘di mo na sana nababalikan pa. Kaya, aalisin ang earphone. Baka nadala lang ng kanta. Baka kailangan lang sa iba matingin ang mga mata. Aa!! Maganda pala yung ulap ngayon. Wala na kayo. Maulap pero hindi makulimlim. Tapos na kayo. Ganitong ganito rin noong.. iniwan ka nya. Oo, nung iniwan mo ko. Hindi. Teka. Wala na kayo. Saglit. Iniwan ka na. Teka. Tahimik. Iniwan ka na mag-isa. TAHIMIK!!! Tama na. Tama na.
Ganito ka rin ba? Ramdam na ramdam ang bilis ng tibok ng puso, kahit halos hindi ka naman tumayo sa kinauupuan mo. Sa bawat pagtibok ay kasabay ang bigat at sakit sa dibdib. Parang paulit-ulit na tinutusok at humaharang sa hangin para makahinga.
Ganito ka rin ba?
Naging ganito ka rin ba? Hindi ako doktor. Lalong hindi albularyo. Pero nagbasa-basa at naging desperadang maalis at hindi na muli pang maramdaman ang marubdob na sakit. Kaya heto, ang ilang mga bagay na nakita kong effective para gumaling ako.
1. Pray in Jesus Name
Legit! Madalas utak ko ang kalaban ko at napakabilis nito. Para akong nakikipagsagutan ng walang humpay sa nagsasabing, “Mawawala ‘yang sakit na ‘yan kung mawawala ka na rin”. May isang pagkakataon pa nga na mag-isa ako sa bahay, napaisip ng mabilis, nalungkot at napatingin sa kutsilyo. “Isaksak mo na sa sarili mo” ang sabi sa isip ko. Kaya bago pa man magkaron ng sagutan, nagpe-pray na ako agad in Jesus Name. Bakit “Jesus”? Sabi kasi sa Philippians 2:10,
“… that at the Name of Jesus every knee should bow in heaven and on earth and under the earth.”
Dahil sa verse na ‘yan kaya naniwala ako na may power si Jesus over everything, kahit sa mga evil whispers na naririnig ko. Jesus can shut him off and make him silent.
2. Force myself to stop
Natutunan ko sa paulit-ulit na pagkakamali na kailangan pinipigilan rin ang isipan. Sa pamamagitan ng small distractions tulad ng pag-alis ng earphone, makipag-usapan sa iba hanggang malibang, o maglaro ng mobile games. Minsan tumitigil ang kaisipan, minsan hindi. Dumating ako sa punto noon na walang distraction ang kayang magpatigil ng isip, kinailangan kong saktan pisikal itong pangangatawan ko. Alam kong mali. Kaya pumunta ako sa ikatlo.
3. Nagsusulat
Dalawa ang nagiging resulta nito sa’kin. Una, nakakagaan ng loob kapag nasasabi ko lahat-lahat. Para bang may mabigat na naaalis sa kalooban ko. Pangalawa, mas lalo kong naaalala lahat, as in lahat. Ang contradicting no? Oo totoo ‘yon. Dahil mas lalo akong nagsusulat, mas inuugat ko bawat pangyayari. Kung minsa’y parang kahapon lang kung umepekto ang sakit tuwing naaalala. Kaya ang ending, iiyak.
4. Umiyak ka
Kung tulad mo ‘ko na laging nagde-deny sa nararamdaman at laging feeling strong, then, umiyak ka. Give yourself time to mourn and be sad.
Dahil mapagpanggap nga ako sinisimulan kong payagan muna itong sarili bago umiyak. “Okay sige, pinapayagan na kitang umiyak.” Nakakatawa pero pagkatapos n’yan makakaiyak na ‘ko ng may kalayaan hanggang maging okay na ko sa oras na ‘yon. Siguro napakaemosyonal ko rin. Kasi totoo pala yung iiyak ka hanggang sa makatulog ka na lang. Pero dapat may timeline. Hanggang kailan ka iiyak ng sobrang hagulgol? Hanggang kailan yung iyak na okay na kahit hikbi na lang? Kasi kung iiyak ka for long, mauubos lahat ng tubig sa katawan mo, kasama pasensya ng mga kaibigan at mga taong nakapaligid sa’yo. Oo may kanya-kanyang season ang buhay. Maganda kung sa proseso ay matutunan rin nating balansehin ang mga bagay-bagay. Masaya man o malungkot. Nakakatawa man o nakakaiyak.
5. Pumili ng Tamang Kaibigan
Sa bilyun-bilyong tao sa mundo, napakalabo na wala ni isa mang tutulong sa’yo. Sa bilyun-bilyong tao rin na iyon, marami ang mga nagpapanggap na kaibigan para sa kagustuhang may maipamalita lang. Kaya mahalagang matutong pumili. May mga kaibigan ako, pero sa proseso’y napatunayan ko rin na pamilya mo rin talaga magiging kaibigan mo hanggang huli. Hindi sila perpekto, hindi talaga. Marami akong takot, lalo na nung sasabihin ko na sa mga magulang ko ung nararamdaman ko kasi baka mamaya pagalitan ako. Nakakataba ng puso nung naipaliwanag ko ng maayos nararamdaman ko, pinakinggan nila ko at inintindi sa paraang hindi ko kailanman inasahan. May ibang mapapa- “sana all” dahil totoo naman sa pamilyang Pinoy, hindi tayo gano’n ka-open at ka-close sa pamilya natin. Ganun pa man, may tamang tao na makikinig at aalagaan ng mabuti yung istorya mo. Pili lang ng mabuti, suki.
6. Paulit-ulit patawarin
Ang sarili. Tama ang nabasa mo. Patawarin mo ng paulit-ulit dahil maraming beses na makikita mong nadadapa ka sa mga batong kinatisuran mo na dati. H’wag mong sukuan sarili mo. Kung kinakailangang makailang ulit tumayo, tumayo ka. Walang ibang mag-aalaga sa sarili mo ng higit kundi ikaw rin mismo. Walang ibang tao na higit makakakilala sa sarili mo, kundi ikaw rin. At walang ibang tao na mas makakakontrol ng isip, kilos at tatahakin sa buhay, walang iba kundi ikaw.
Kapag naiinis ako sa sarili dahil iniiyakan ko pa rin yung bagay na iniyakan ko na ng makailang ulit, lagi kong binabalikan yung sinabi ng isang pastor sa librong Growing Stronger in the Seasons of Life.
“It took me 7 years to finally overcome biting my nails.”
7 years?! 7 years!! Para sa pagngatngat ng kuko.
Ikaw, nakakailang buwan ka na? Nakakailang taon ka na? Huwag lang naman sana umabot ng dekada. Ang buhay at pagkatuto rito ay hindi naman unahan. Mabuti kung mabilis kang bumangon at magpatuloy matapos mong madapa. Malayo mararating mo niyan. At kung sa ngayo’y may kabagalan, mag iimprove pa ‘yan. Basta ‘wag kang titigil bumangon. ‘Wag mong susukuan sarili mo. Okay?
Marami akong nabasa, 30 days challenge, no cellphone for a week, physical fitness, read books, at iba’t ibang scientific explanations paano maovercome ang isip. Lahat ng iyan effective. Pero, itong anim na ito ang nakita kong pinaka-effective kapag nakikipaglaban ang isip sa alaala at nadadala ang emosyon.
Ikaw, nasa anong proseso ka? Ganito ka rin ba? Gusto ko sanang malaman. Pa-comment na lang. Ne? :)
Walang pakpak, ngunit kay tayog kung lumipad. — Pangarap
Hindi sasakyan at walang paa, ngunit kung saan-saan nakakapunta. — Isipan
Walang kapangyarihan, ngunit may epekto sa kasalukuyan. — Nakaraan
Kung kailan gustong kalimutan, tyaka nagsisibalikan. — Alaala