Salamat.
Sa pagpili ng mga tamang salitang aakma sa totoong nilalaman ng damdaming pilit itinatanggi. Sa paglapat ng mga letrang hindi makawala sa dila. Sa paghatid ng mga letrang higit pa sa milya ang layo sa mga lumikha. Sa pagkalimot ng iyong sarili maintindihan lamang nais iparating ng mga taong sayo’y humihingi ng halaga. Lubos na paghanga bagama’t hindi ka kahit kailan makikita.
Tinuruan mo ako ng maraming bagay.
Hindi kailangan ng mahaba at mapalabok na mga salita, tugmang mga salitang naayon sa totoong nararamdaman ay sapat na.
Hindi kailangan pagkainaman ang mga linya at hanay ng letra.
Hindi kailangan laging paayon kung ang puso’y ‘di kailangan man umayon.
Simple at walang halong pagkukunwari ay sapat upang maiparating mga damdaming uhaw marinig.
Marami na ang liham na iyong naisulat. Gayun pa man, marami pang liham ang dapat maisulat.
Sa mundo ngayong puno ng pagpapakitang-tao at pagpapanggap. Dito kung saan maganda ang laging dapat ipakita, dinadamitan ang mga sugat ng kosmetikong nakakahumaling ang ganda. Dito kung saan ang mga salita’y pinalitan na ng mga emoticons at emoji. Dito kung saan ang kadalisayan ng mga salita’y unti-unting nababahiran ng kung anu-anong walang saysay na kahulugan.
Marami pang liham ang nararapat maisulat. Marami pa. Marami pa.
Hanggang sa, sana, …
Matutunang pahalagahan ng mundong ito ang mga salita tulad kung paanong tumatagos sa puso ng mambabasa ang bawat letra sa liham na para lamang sa kaniya.