Batang bata ka pa at marami ka pang kailangan malaman at intindihin sa mundo, ‘yan ang totoo.
Totoo pala sinabi nilang mas madaling mag-aral. Bangon, kain, mag-ayos ng sarili, hingi baon, pasok sa school, aral, uwi, gawa assignment, kapag sinipag, nood kdrama, kain ng hapunan at babad sa social media hanggang makatulog. Tama pala sila n’ong sabihin nilang i-enjoy ko raw ang pag-aaral dahil ‘di lahat nakakapag-aral. Tama pala sila nung sinabi nilang tyaka na ang ligawan, may panahon para d’yan. Tama pala na pinakamasarap ang may natututunan.
Nalaman ko na lang na ganoon nga noong dumating ang araw na nagmamadali akong bumabangon sa umaga, hindi na nga nakakain dahil huli na, papasok sa opisina, walong oras na magtatrabaho para sa perang ipangkakain at ipambabayad kay Aleng Nena. Nalaman ko na lang na ‘di lahat nakakapag-aral noong narinig kong sabihin ng katrabaho ko na, “Alam mo, kung walang scholarship, hindi ko alam paano mapapaggraduate si Lea.” Nalaman ko na lang na may tamang panahon para sa ligawan, noong ako mismo ang naligaw. Nalaman ko na lang na pinakamasarap ang may matutunan, noong naramdaman kong tila hangin na ang isip kong dati’y busog sa ideya.
Ang dati kong sigaw na, “Gusto ko ng mag-college!!!”
Ay naging, “Gusto ko ng magtrabaho!!!”
At ngayo'y, “Sana all nakakapag-aral ulit!!!”
Hindi naman ako pabaya sa pag-aaral. Sa katunayan nga’y makailang ulit umakyat ng entablado ang mga magulang ko habang ako’y nakayuko’t ginagawaran ng parangal. Ngunit kung sa mismong araw ring iyo’y tatanungin mo ‘ko anong natutunan ko sa kabuuan ng pag-aaral kong iyon ay may isa lang akong sagot, “Wait! Magrereview lang ako.” Mas maraming pagkakataon na iniintindi ko kung paanong makakakuha ng 100% tamang sagot at hindi ang 100% naintindihan. Nagbabasa ng libro para sa exam, hindi para may matutunan. Sa rami ng subjects at mga extra activities, ginusto ko na lang makakuha ng mataas na marka. Kung titingnan mo’y sayang ang panahon na dapat sana’y tama ang paraan ng pag-aaral, pero siguro parte na rin iyon ng pagkatuto. Hindi mo naman kasi malalaman ang kalaliman kung hindi mo nalaman ang kababawan. Ngayo’y masasabi kong nagbabasa pa rin ako ng libro, hindi na para sa kahit anupamang pamantayan kundi para makarating sa mga ideyang hindi ko pa napupuntahan.
May mga bagay rin naman na hindi na natin matututunan ng mag-isa kahit ilang libro pa ang mabasa. Laking pasasalamat ko dahil kahit halos huli na ay may nakilala akong mga taong masasabi kong tunay na kaibigan. Hindi nila ako tinuruan ng physics o kahit yuong formula sa law of inertia. Pero sa kanila ko natutunan ang pinakamainam na taktika sa pagtawag sa isang teacher sa loob ng faculty room. Sila ang nagturo sakin ng kung tawagin ay “pinagbabawal na technique”, lalo’t higit gutom ka na at hindi pa tapos ang klase. Sa kanila rin ako natutong makikain na parang taga-roon na rin sa bahay nila dahil sa dalas ng pagdayo ko. Sa kanila ko nakitang tumatawa ako sa napakababaw na dahilan. Iyun ung sayang hindi kayang bilin ng kahit na anong materyal. Tinuro nila sa’kin iyon hindi sa pamamagitan ng blackboard at chalk, kundi sa pamamagitan ng relasyong kung tawagin ay, “Pagkakaibigan”.
Ganun pa man, hindi lahat natutunan ng may tuwa. Ang iba’y sa takot, pakiramdam ng mapahiya, paulit-ulit na pagkakamali, at mga panahong ramdam ang pahirap. Eto ‘yung mga panahon na matututo kang magpursigi, mangarap ng mas malalaking mga pangarap, magpatawad at higitan ang takot na nararamdaman. Mahirap? Oo, mahirap. Kilalanin mong mahirap, masakit at mukang hindi kaya. Ngunit pagkatapos ay bumangon ka. Bangon! Huwag mong hayaang malugmok ka ng matagal sa mga negatibong kaisipan. Bumangon ka. Walang nagtagumpay na hindi nagkamali. Walang nakaarok sa tuktok ng bundok na hindi man lang nahirapan at nasugatan, ni kahit daplis. Walang taong natuto na hindi nakaramdam ng kakulangan sa sarili. Bangon. Bumangon ka. Paulit-ulit kang babagsak, at sa kada bagsak mo’y makikita mo saan ka nagkakamali, maaaral paano itatama ang mga ito at tumitibay ang loob para sa muling pagbangon hanggang sa magawa na ng tama. Huwag kang susuko. Bangon.
Ang daan sa pagkatuto’y hindi laging madali, hindi rin laging mabilis. Kung minsa’y aatakihin ng katamaran at pagkainip. Sa bandang huli, desisyon mo pa rin ang mananatili.
Batang bata ako nalalaman ko ‘to, inaamin ko na kulang pa ang akong nalalalaman.
Marami pang dapat matutunan.